Sinagip ang 158 na mga Chinese, Vietnamese, Malaysian at iba pang lahi mula sa isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga.

Sa ulat ni Saleema Refran sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagmamadaling umalis ang mga dayuhan na tauhan ng nasabing POGO matapos tila matunugan ang naka-ambang na operasyon sa kanila ng mga awtoridad.

Kung kaya kakaunting mga dayuhan na lang ang nadatnan sa target area nang dumating ang sanib-puwersa ng PAOCC, Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), Criminal Investigation and Detection Group at lokal na pulisya.

Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston John Casio, inaasahan nilang halos 1,000 dayuhan ang mahuhuli nila, ngunit maaaring nag-leak ang impormasyon tungkol sa operasyon.

Isinilbi ang search warrant matapos makatanggap ang mga awtoridad ng mga ulat ng scamming activities, torture, kidnapping at sex trafficking.

“Initial report for rescue was may mga tino-torture rito, pinapalo ng mga baseball bat, at mga pinagtatadiyakan dito. Meron tayong video ng isang di umano babae na pinagsasayaw dito at pinagpapasa-pasahan ng bosses,” sabi ni Casio.

Sinabi pa ng PAOCC na nag-a-apply pa lamang na makakuha ng lisensya mula sa PAGCOR ang POGO, kaya ipinagtataka nitong mahigit isang taon na itong nag-o-operate.

Samantala, naharang din sa may Clark, Pampanga ang pitong sasakyan na sakay ang mga tumakas na POGO workers.

Kasama ang mga dayuhang nakuha sa mismong POGO, agad silang ibiniyahe papuntang Maynila at isinalang sa immigration profiling at processing.

Nakatakda rin silang kausapin ng mga prosecutor ng Department of Justice upang matukoy ang iba pang biktima at malaman ang sinapit nila sa POGO. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News