Kabilang ang dalawang lola na edad 80 sa 10 senior citizens na nagtapos ng elementarya at high school ngayong taon sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nagtapos sa elementarya sa ilalim ng Alternative Learning System ang mga lola na sina Lolita Simbulan at Laureta dela Cruz.

Kahirapan umano ng buhay ang dahilan kaya hindi sila nakakuha noon ng pormal na edukasyon.

Kaya naman sinamantala na nila ang pagkakataon na makapag-aral nang malaman nila ang tungkol sa programang ALS.

Bukod sa diploma, nakatanggap din ng medalya ng pagkilala ang mga nagtapos na senior citizens para sa pagiging model of the youth.--FRJ, GMA Integrated News