Isang 16-anyos na lalaki na junior high school student na dadalo sana sa practice para sa moving-up ceremony ang malapitang binaril at napatay sa Tipo-Tipo, Basilan.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Fadzrie Ismail, na mula sa Albarka, Basilan,
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakaupo sa motorsiklo sa labas ng mini gym ng bayan nang dumating ang dalawang salarin na sakay ng isang motorsiklo.
Tumigil ito at bumaba ang angkas at malapitang binaril sa ulo ang biktima, na dahilan ng agad niyang pagkamatay.
Nakatakas ang mga salarin matapos ang krimen.
Ayon kay Tipo-Tipo Municipal Police Station Chief Captain Dennis Alam, "rido" ang nakikita ng pamilya ng biktima na ugat ng krimen.
“According sa relatives, may connection ito sa rido between sa pamilya ng biktima at saka bumaril. Nag-coordinate na din kami sa ibang munisipyo, sa HPG [Highway Patrol Group] for the possible identification ng motor,” sabi ni Alam.
Dagdag pa ng pulisya, nasangkot ang ama ng biktima sa insidente ng pamamaril sa Albarka, na pinaniniwalaang konektado sa nangyaring pamamaril sa Tipo-tipo.
“May nabaril sa Albarka tapos gumanti itong mga kamag-anak ng napatay ng ama ng bata na 'yan. Kung may alitan sana sila, huwag nilang dalhin sa Tipo-Tipo dahil ang Tipo-Tipo ay peace-loving,” dagdag ni Alam.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News