Isang babae na nakaupo sa motorsiklo habang naghihintay sa labas ng isang paaralan sa Bangued, Abra ang binaril at pinatay ng mga salaring sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Catherine Aguilar, 38-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na hinihintay ng biktima ang kaniyang kinakasama, at susunduing bata sa Barangay Zone 3 nang dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang babae sa ulo.
Tumakas ang mga salarin pero naaresto sa hot pursuit operation ng pulisya. Malaking tulong umano ang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera para mahanap ang mga suspek.
"Especially itong Zone 3, kasi may mga CCTV sila around sa barangay nila, which is very helpful sa pag-solve sa kasong ito. Nakuhanan natin kung anong kulay ng damit ng mga salarin at anong kulay ng motorsiklo na ginamit," ayon kay Police Major Lorenz Paul Claveria, Officer-in-Charge ng Bangued Police Station.
Kinilala ang mga suspek na sina Jomar Britanico Bayle, 40, ang umano'y gunman, at si Dennis Viado Britanico, 21, ang rider, na kapuwa residente ng Langiden.
Nakuha sa kanila ang isang kalibre .45 na baril.
Sinabi ng mga suspek na pinatay nila ang biktima para matigil umano ang ilegal na aktibidad nito sa droga.
Itinanggi naman ng kaanak ng biktima ang pahayag ng mga suspek, na hustisya ang panawagan. -- FRJ, GMA Integrated News