Dalawa ang nasawi, at hindi bababa sa 10 katao ang sugatan sa karambola ng isang boom truck, isang bongo truck, at isang motorsiklo sa Carmen, Davao del Norte.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa national highway sa nasabing bayan noong May 25.
Sa video, makikita ang tindi ng pinsalang tinamo ng bongo truck na parang niyuping lata.
Ayon sa pulisya, patungong Tagum City ang boom truck na may sakay na 12 pasahero nang masabugan umano ito ng gulong at napunta sa linya ng kasalubong na bongo truck.
Nakasunod naman sa likod ng bongo truck ang motorsiklo na sinasakyan magka-live in na sugatan din sa insidente.
“Nasiraan kasi ng gulong. Allegedly, pumutok yung gulong ng boom truck, yung elf boom truck tapos nag-swerve siya sa kabilang lane. Pag-swerve niya sa kabilang lane, nagkataon naman na padating yung bongo (truck) kaya nagkabanggaan sila,” ayon kay Carmen Municipal Police Station Traffic Investigator, Senior Master Sergeant Joconor Coronel.
Nasawi ang parehong driver ng boom at bongo trucks. Dinala naman sa pagumutan ang nasa 15 sugatan.
“Patay pareho ang driver ng boom truck at driver ng bongo. Dalawa ang patay and ang sugatan is 15 kasi may dalawa pa na nadamay sa pangyayari yung dalawang nag-motorsiklo na mag-live-in partner,” ayon pa kay Coronel.
Hindi pa umano nagkakausap ang mga kaanak ng nasawi sa aksidente, at ang mga nasugatan. --FRJ, GMA Integrated News