Patay ang isang 63-anyos na rider, habang sugatan ang kaniyang asawa na 58-anyos, nang mabangga ng truck at madaganan ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Naga City, Cebu.

Sa ulat ng Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang aksidente nitong Linggo, dakong 5:30 am sa Barangay Naalad.

Ayon sa 33-anyos na driver ng truck na si Denmil Lumayno, residente sa Minglanilla, patungo sana siya sa Toledo City nang kumalas mula sa pagkakatali ang karga niyang mga bakal na karamihan ay steel bars.

Dahil sa bigat ng mga bakal, bumaligtad ang truck at nadaganan ang mga biktima nang hindi niya namamalayan.

Aminado rin si Lumayno na nakaramdam siya ng antok habang nagmamaneho.

"Medyo kulang po sa tulog dahil nagpuyat. Tapos aircondition ang unit,” paliwanag niya.

Nakadetine sa City of Naga Police Station si Lumayno, habang wala pang pahayag ang kaanak ng mag-asawa, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News