Nasawi ang isang 56-anyos na e-bike rider matapos siyang masalpok ng truck sa San Juan, Ilocos Sur. Ang biktima, tumilapon ng ilang metro sa lakas ng pagkakabangga.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang biktima, na tumigil mula sa outer lane ng national highway at nagmasid sa magkabilang direksyon bago tumawid papunta sa kabilang bahagi.

Pero pagkalampas niya sa gitna ng highway, nasalpok na siya ng isang delivery truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang e-bike at tumilapon ng ilang metro ang rider at tumama pa sa bangketa.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, ipinaliwanag ng driver ng truck na iniwasan niya ang e-bike nang makita niya itong papatawid.

"Kaya lang yung pinuntahan ng e-bike doon din siya umiwas kaya doon sumalpok," ayon kay Police Major Benjamin Raquedan, OIC, San Juan Police.

Sinampahan na umano ng reklamo ang driver ng truck, ayon sa pulisya. --FRJ, GMA Integrated News