Isa na namang menor de edad na babae ang natagpuang patay sa Cotabato. Ang suspek, binaril at napatay din ng pulis gaya ng insidenteng nangyari sa Tupi noong nakaraang linggo, matapos umanong tangkain na mang-agaw ng baril.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nakita ang bangkay ng 15-anyos na dalagita sa gilid ng sapa sa isang rubber farm sa Barangay Sumbac noong May 13.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam umano sa pamilya ang biktima na maghahanap ng tinatawag na “pako” para ibenta.
Pero nang hindi na umuwi ang biktima, hinanap na siya ng mga kaanak kasama ang mga taga-barangay.
Hanggang sa nakita ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang suspek na nagngangalang “Eric,” trabahador sa plantasyon, at tinanong kung may nakita siyang dalagita.
"Nang tanungin nila kung may nakita bang bata, medyo kaduda-duda yung sagot. Basta ang sinagot niya lang daw is hanapin niyo lang diyan. Medyo nagduda ang mga tanod, so hinold [hold] na lang siya until such time na nakita yung bangkay ng bata. Medyo gabi na rin nung makita [ang bangkay],” ayon kay Cotabato Provincial Police Office Spokesperson Lieutenant Warren Caang.
Inamin umano ng suspek ang krimen pero nang dumating na ang mga pulis at papalitan ng posas ang tali na nakalagay sa kaniyang kamay, tinangka umano nitong agawin ang baril ng isang pulis kaya binaril na siya ng isa pang pulis.
"Nung tinanggal na ang belt na tinali sa kamay niya and then papalitan na ng posas, doon na, inagaw na niya ang baril ng isang tropa natin, kaya binaril siya ng kasama ng inagawan niya,” sabi ni Caang.
Bagaman may saplot sa katawan ang biktima nang makita ang kaniyang bangkay, aalamin pa rin ng mga awtoridad kung ginahasa siya ng suspek.
"Physically, kung titingnan mo ang bata, intact naman ang damit. Ang hinihintay na lang natin ang result ng medico-legal para malaman natin kung nagalaw ang bata or wala,” dagdag ni Caang.
Nito lang nakaraang linggo, isang 10-anyos na babae ang ginahasa at pinatay sa Tupi, South Cotabato.
Nakita ang bangkay ng biktima sa isang pinyahan.
Naaresto ang 44-anyos na suspek na kapitbahay ng biktima. Pero habang kinukunan umano ng fingerprint ang suspek sa presinto, manlaban umano ito at tinangkang mang-agaw ng baril kaya binaril at napatay ng pulis.-- FRJ, GMA Integrated News