LUCBAN, Quezon - Ipinagdiriwang ngayong Miyerkoles, Mayo 15, sa bayan ng Lucban, Quezon ang kanilang makulay at magarbong Pahiyas Festival.
Ang taon-taon na pagdiriwang ay pasasalamat ng mga taga-Lucban sa masaganang ani.
Pagpaparangal rin ito sa patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador.
Tampok sa Pahiyas Festival ang mga bahay na pinuno ng mga palamuting gulay at prutas na inani ng mga magsasaka.
Bida sa Pahiyas ang sikat na kiping o rice wafer. Ang mga kiping na may magkakaibang kulay ay ginamit rin na disenyo.
May imahe ni San Isidro na gawa sa monggo, mais at palay. Ang isang bahay ay punong-puno ng sayote at ang isa pa ay puno ng repolyo.
Maraming turista na ang patuloy na dumarating kung kaya’t todo bantay ang mga kapulisan upang matiyak ang seguridad sa lugar.
Maraming bahay ang naglagay ng Pahiyas ngayon, hindi tulad noong mga nakaraang taon na inabot ng pandemya. —KG, GMA Integrated News