LOPEZ, Quezon - Patay ang limang katao sa aksidenteng naganap sa Maharlika Highway, Canda Ilaya, Lopez, Quezon nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Dead on the spot ang apat sa siyam na lulan ng isang tuktuk tricycle makaraan itong masalpok ng isang delivery van at masunog pa.

Sa pagamutan naman nasawi ang isa pang pasahero ng tuktuk.

Nangyari ang aksidente dakong 2:30 ng umaga.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lopez Police, patungo sa direksyon ng Bicol ang tuktuk tricycle nang masalpok ito ng kasunod na delivery van.

Sa sobrang lakas ng impact ay sumalpok naman ang tuktuk sa likod ng isang pampasaherong bus.

Nagliyab ang tuktuk hanggang sa madamay at magliyab rin ang pampasaherong bus.

Apat na sakay ng tuktuk ang nasunog. Samantala, lima ay naisugod sa pagamutan na lahat ay nagtamo ng matinding sugat sa katawan. Mga bata ang ilan sa lulan ng tuktuk.

Wala namang nasugatan sa mga pasahero ng bus.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Lopez Police.

Makiki-fiesta sana

Ayon sa nakaligtas na driver ng tuktuk na si Julius Brin, galing silang magkakaanak sa Cogeo, Antipolo at patungo sana sa Libon, Albay para magbakasyon at maki-fiesta.

Apat na bata ang kanyang kasama kabilang ang isang tinatayang walong buwan pa lang na sanggol.

Nasawi din ang sanggol sa trahedya.

Sugatan din ang anak ni Julius.

Nasa Magsaysay Memorial Hospital sa Lopez ang iba pang nakaligtas.

Ayon sa hepe ng Lopez Municipal Police Station na si Lieutenant Colonel Dandy Aguilar, lumalabas sa imbestigasyon na ang fish dealer delivery van ang may pagkakamali sa aksidente.

Hawak na ngayon ng Lopez Police ang driver ng fish dealer delivery van na si Ernesto Alberto.

Ayon sa kanya humihingi siya ng patawad sa pamilya ng mga nasawi. Hindi raw niya kagustuhan ang nangyari. —KG, GMA Integrated News