Arestado ang isang lalaking guro matapos magsumbong ang kaniyang 12-anyos na lalaking estudyante na minolestiya umano niya sa loob ng silid-aralan sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa loob mismo ng isang pampublikong paaralang pang-elementarya noong May 12.

Ayon sa biktimang grade 6 pupil, pinapasok siya ng suspek noong Linggo ng umaga para mag-practice umano ng graduation ceremony. 

Pero wala umanong pagsasanay na nangyari. Sa halip, pinapasok siya sa isang silid-aralan at doon na siya hinawakan ng guro sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.

May ipinakita ring video sa ulat na isang binatilyo ang nakakandong sa isang lalaki.

Nang umuwi, sinabi ng ina ng biktima na umiiyak na nagsumbong sa kaniya ang anak dahil sa ginawa sa kaniya ng guro.

“Umiiyak ang anak ko na nagsusumbong sa akin na, ‘Ayaw ko na pumasok dahil ang teacher ko bastos,’" kuwento ng ginang at sinabi umano ng binatilyo ang ginawa sa kaniya ng guro.

Nagsumbong ang binatilyo para maprotektahan ang kaniyang sarili at hindi na maulit ang pangyayari.

”Katawan ko ito kaya kailangan ko po tulungan ang sarili ko. Kaya kailangan ko isumbong kay mama dahil baka ulitin niya sa akin,” ayon sa biktima.

Matapos magsumbong sa pulisya, kaagad na inaresto ang guro.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Sta. Barbara Police Station, dati na umanong ginagawa ng suspek ang kalaswaan sa estudyante pero ngayon lang ito nagkaroon ng lakas ng loob na magsumbong.

Tumanggi naman ang nakadetineng guro na magbigay ng pahayag.

Hinihintay naman ng Department of Education (DepEd) Region 1 ang pagsasampa ng pormal na reklamo ng biktima laban sa guro para masimulan nila ang imbestigasyon.

“In case na ang resulta ng investigation o inquiry na isinagawa ng department ay [positive] ay may kaukulang aksyon naman ang Department of Education. Dapat may official complaint ‘yung parents,” sabi ni Cesar Bucsit, pinuno ng Public Affairs Unit ng DepEd Region 1.-- FRJ, GMA Integrated News