Isang lalaki na nagpanggap umanong magde-deliver ng package at posibleng pagnanakaw ang pakay ang nahuli-cam na basta na lamang pumasok sa loob ng isang bahay sa Pila, Laguna.
Sa ulat ni Maki Pulido sa State of the Nation, mapapanood sa CCTV ang pagkatok ng lalaki sa bahay nitong Martes. Mapapansing balot na balot siya kahit na tirik ang araw.
Dahil walang taong sumasagot mula sa bahay, lumabas ang lalaki sa gate at may kinuhang kahon sa isang nakaparadang van.
Ilang saglit pa, walang kaabog-abog na pumasok ang lalaki sa bahay.
Kita sa CCTV na pumulot pa siya ng tsinelas para itaboy palayo ang aso sa bahay hanggang sa makarating sila sa kusina.
Nang may bumabang lalaki sa hagdan, binati naman ng lalaki.
Gayunman, pinulot ng lalaki ang kahon at nagtaas ng boses at sinabing "Kanina pa 'ko natawag!" bago umalis.
Hinala ng uploader na nakatira sa bahay, nagkukunwari lang na delivery rider ang lalaki, dahil wala silang inaasahang parcel na ide-deliver.
Posible raw na pagnanakaw ang pakay ng lalaki.
"Katok na po siya nang katok tapos sumisilip po siya sa bintana. Then after po noong wala pong lumalabas, 'yun na po, 'yung pumasok siya sa bahay namin," kuwento ng may-ari ng bahay.
"Very alarming po siya sa part ko kasi first time pong may nangyaring gano'n na dire-diretso po sa bahay na parcel driver," daddag pa niya.
Suspetsa ng may-ari ng bahay, natiktikan na sila ng lalaki.
"'Yung katapat po namin na bahay, sinagot niya po na merong tao. Tapos 'yung sa kabila pong bahay, nakausap niya po 'yung pamangkin ko. Ngayon ito pong pamangkin ko, nakapag-drop ng name. Ang tanong 'Kanino po ba 'yan, kay Kuya Aljhun?' Ang sagot ng rider 'Opo kay Aljhun'" kuwento pa ng may-ari.
Nai-report na nila sa barangay at kapulisan ang insidente at na-trace na ng Land Transportation Office ang van kung saan kinuha ng rider ang parcel. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News