Pinagsaluhan ng mga residente at bisita ang isang higanteng halo-halo sa taunang Halo-halo Festival sa Estancia, Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, itinampok ang higanteng halo-halo sa Barangay Tabu-an kung saan inilagay sa higanteng mangkok ang makukulay at nakatatakam na sahog.
Sinamahan ito ng yelo at pala-palangganang gatas.
Dahil sa ga-higanteng laki ng halo-halo, pala na ang nagsilbing kutsara para haluin ang masarap na meryenda.
Sa halip na mga baso, pitsel at timba ang dala ng ilang bisita sa for sharing na giant halo-halo.
Sinabi ng barangay captain na ito na ang pinakamalaking halo-halong ginawa sa kanilang probinsya.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News