Humingi ng paumanhin ang coach ng Naga City football team sa nangyaring kaguluhan sa laban nito sa Masbate City sa idinaraos na Palarong Bicol 2024 sa Albay.
Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, inilahag ng coach ng Naga City sa isang pahayag na walang puwang ang karahasan sa larangan ng palakasan.
“I strongly believe that violence has no place in sports, whether as a player or as a spectator,” ayon sa pahayag.
“I extend my hand in peace and apology to everyone who was hurt and to everyone who was equally saddened by the turn of events. I hope and pray that forgiveness, peace, and healing prevail amidst this trying time,” dagdag nito.
Inayunan ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang pahayag ng kanilang coach, at sinabi nitong nakikipagtulungan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of Education at mga opisyal ng Palaro kaugnay sa nangyaring insidente.
“Such behavior is wholly inconsistent with the values of sportsmanship, integrity, and respect that we steadfastly uphold as a delegation. We deeply regret the disruption caused by this incident and extend our heartfelt apologies to all affected parties,” ayon pa sa pahayag.
Nangyari ang insidente noong Mayo 3 habang idinadaos ang championship game ng secondary football event.
Lamang ang Masbate team, 5-0, nang isang manlalaro ng Naga City ang umano'y umatake sa manlalaro ng Masbate.
“According po doon sa tournament manager namin, tapos na halos ‘yung laban. Actually, panalo na ‘yung Masbate City, 5-0. Nagse-celebrate na nga. Nakadapa yata ‘yung bata. Siguro, out of frustration nung player ng Naga, parang tinungtungan. Natalo kasi ‘yung Naga,” pahayag ni Engr. Ronald Asis, Regional Sports Coordinator ng Palarong Bicol 2024.
Sa video, makikitang nagkahabulan pa ang ibang manlalaro, at may mga suntok at sipa ang pinakawalan.
Kaagad namang binigyan ng atensyong medikal ang inatakeng manlalaro ng Masbate.
Inihayag naman ng Schools Division Office (SDO) ng Naga City na hindi nito kukonsintihin ang karahasan ng kanilang mga manlalaro.
“Doon po sa athletes natin at patuloy sa paglalaro, lalong lalo na po ‘yung magre-represent ng Bicol region sa papalapit na Palarong Pambansa sa July [2024], sa akin lang po, huwag nating pairalin ‘yung ating emotion; at sundin lang natin ‘yung ating guidelines pagdating sa bullying, abuse, at saka kung ano pa man mga hindi kanais-nais na aksyon o gawain ng isang indibidwal,” sabi ni Fernando Macaraig, Assistant Schools Division Superintendent ng DepEd SDO Naga City.
Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Learner’s Rights and Protection Office ng Department of Education (DepEd) Bicol sa nangyari.
Sasailalim din sa psycho-social first aid (PFA) ang mga manlalaro at sports officials kasunod ng pangyayari.
Nakiusap naman ng Masbate City Local Government Unit (LGU) sa publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng DepEd Region V at DepEd SDO Masbate City. --FRJ, GMA Integrated News