Nabulabog ang isang pamilya, pati na ang kanilang mga kapitbahay nang makapasok sa loob ng bahay ang isang cobra sa Cabadbaran City, Agusan Del Norte.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita na hinahanap sa ilalim ng upuan sa isang bahay sa Barangay Cabinet ang ahas.
Tinangka rin ng ahas na tuklawin ang lalaking umakyat sa itaas ng upuan. Nang lumabas mula sa ilalim ng upuan ang ahas, binagsakan siya ng hallow block, at pinapapalo ng pala sa ulo hanggang sa mamamatay.
Ayon sa may-ari ng bahay, una nilang nakita ang ahas sa labas ng compound ng kanilang kapitbahay.
Hanggang sa malaman nila na nakapasok na pala ito sa loob ng kanilang bahay.
Ang dalawang-taong-gulang niyang anak ang unang nakakita sa ahas na nakapuwesto sa likod ng pinto.
Ayon kay Emerson Sy na isang herpetologist at wildlife researcher, isang uri ng kobra ang ahas na napatay.
Paliwanag niya, taliwas sa paniniwala ng marami, takot ang ahas sa tao at lalayo ito kung bibigyan lang ng pagkakataon.
Kaya paalala niya, huwag papatayin ang mga ahas kung hindi naman nagbibigay ng panganib sa buhay ng tao.
Sa ilalim din ng batas, ipinagbabawal ang pagpatay sa wildlife animal sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.-- FRJ, GMA Integrated News