Inalis sa puwesto ang dalawang pulis na bukod sa nangongotong na, nanggulo pa umano sa isang peryahan sa Zamboanga del Norte. Madalas daw na magtungo sa lugar ang mga pulis para manghingi ng pera.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang pagsugod ng mga pulis sa naturang peryahan, na galit na nakipag-usap sa may-ari nito.
Ilang saglit lang, pinagdiskitahan pa umano ng dalawang pulis ang mga taong naglalaro.
Kalaunan, dumating ang iba pang pulis at ineskortan palabas ang dalawa nilang kasamahan.
Isinalaysay ng babaeng kinausap ng mga pulis na tila nakainom ang mga ito.
Hiningian pa umano siya ng pera pero tila hindi nagustuhan ang halaga na kaniyang iniabot.
“Lagi silang pumupunta rito, nanunuyo tapos lagi rin kaming namimigay [ng pera]. Ngayon, nanuyo ulit at pinagbigyan ko, sabi ko ‘Sir okay lang ‘to?’ Bigla na lang nagalit ‘yung isa at sabi niya ‘Ipatigil mo ‘yan, ipatigil mo ‘yan dahil ilegal ‘yan,’” kuwento ng babae.
“Nanduro siya, parang galit. ‘Yun ang may-ari ng perya, base sa tinanong namin, parati silang nanghihingi (ng pera). Tapos kulang pa siguro ang ibinibigay nila, kaya tumatanggi. Itigil na raw ang perya. Nagalit din ang mga taga-perya dahil bakit sila patitigilin kung may permit naman sila,” sabi naman ng uploader na si Cheche Pacaro.
Iginiit ng may-ari ng peryahan na mayroon silang kaukulang permit para mag-operate.
Pinagbibigyan na lamang umano niya ang mga pulis dahil sa ayaw niya ng gulo.
Nakarating na sa Police Provincial Office ang insidente.
May ranggo na patrolman at master sergeant umano ang mga pulis na inirereklamo, Inalis siya sa kanilang puwesto habang gumugulong ang imbestigasyon.
Posibleng masampahan ng administrative case ang dalawang pulis kung mapatutunayan ang bintang laban sa kanila. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News