Wala nang malay nang magkasunod na nakuha sa isang irigasyon sa Bantay, Ilocos Sur ang magkapatid na edad lima at pito. Sa kabila ng pagsisikap ng mga rescuer, hindi na isalba ang kanilang buhay.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya sa irigasyon na malapit sa bahay ng mga biktima sa Barangay Naguiddayan.
Unang nakita ang katawan ng pitong-taong-gulang na biktima sa bahagi ng canal sa kalapit na Barangay Bulag East. Habang sumunod namang nakita pagkaraan ng 30 minuto ang limang-taong-gulang na biktima sa bahagi ng Barangay Malingeb.
Lampas-tao ang lalim ng irigasyon at malakas ang agos.
Ayon sa pahayag ng ginang sa pulisya, pinatulog niya ang anim na anak bago nagpunta sa bahay ng kapitbahay. Hanggang sa nabalitaan na lang niya na may nalunod sa irigasyon.
”Nalaman lang ng misis ko noong may nakapagsabi na may nalunod sa irigasyon. Doon [na] niya hinanap ang mga anak namin,” ayon sa ama ng mga bata na si Federico Pido, na nasa bukid nang mangyari ang trahediya.
May nakakita naman daw sa mga bata at pinauwi ang mga ito pero posible raw na patago at bumalik sa irigasyon.
Dahil sa kawalan ng pera ng pamilya na pambili ng ataul para sa mga bata, sila na lang ang gagawa ng paglalagyan ng mga labi ng magkapatid.
Masakit man sa kanilang kalooban ang nangyari, sinabi ni Pido na kailangan nila itong tanggapin.
Nagpaalala naman si Police Lieutenant Reynaldo Reynon, Deputy Chief ng Bantay Police Station, sa mga magulang na malapit sa irigasyon na palaging babantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang katulad na trahedya. --FRJ, GMA Integrated News