Isang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang bokalista ng isang reggae band sa Salay, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing katatapos lang magtanghal nang biktima nang magkagulo ang mga tao nang madinig ang putok ng baril nitong Sabado.
Matapos nito, nakita na ang biktima na nakahandusay at duguan mula sa tama ng kalibre .45 na baril.
Dinala siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Police Major Joann Navarro, spokesperson ng PRO-10, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa suspek.
Lumitaw sa imbestigasyon na may natatanggap nang banta sa buhay ang biktima bago pa man mangyari ang krimen.
Anggulo na personal grudge o love triangle ang tinitingnan ng mga imbestigasyon na posibleng motibo sa krimen.
Aalamin din ang isinagawang seguridad ng organizer ng concert upang malaman kung papaano nakapagdala ng baril sa venue ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News