Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing naharang ang van sa checkpoint sa Barangay Pinagkrusan kaninang umaga.
Sinuri ang karga ng van nang mapansin ng mga awtoridad na kahina-hinala ang kilos ng driver nang hingin ang kaniyang lisensiya.
Nang tingnan ang laman ng van, nakita ang mga ilegal na droga na nakabalot sa mga plastik at nasa sako.
Ayon kay Alitagtag Mayor Edilberto Ponggos, regular na isinasagawa silang nagsasagawa ng checkpoint.
Itinuturing ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., na ito na ang pinakamalaking halaga ng ilegal na droga na nasabat sa bansa.
Hindi naman binanggit ng mga awtoridad kung saan dadalhin ng suspek ang droga. Pero nanggaling umano ang sasakyan sa Sta. Teresita, na patungong Lipa.
Sinabi naman ng driver na hindi niya alam na ilegal na droga ang karga ng kaniyang sasakyan.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung saan nanggaling ang mga ilegal na droga, at kanino ito dadalhin.-- FRJ, GMA Integrated News