Itinuturing malaking biyaya ng mga mangingisda sa Pasuquin, Ilocos Norte ang mahigit 200 kilo ng tuna na kanilang nalambat.
Sa ulat ni Gab de Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nahuli ng mga mangingisda ang nasa 216 kilos na tuna sa pamamagitan ng "lambaklad," o paglalagay ng malaking lambat sa dagat.
Nasa 10 tao ang kailangan para mahatak ang lambat tuwing umaga at hapon. Laking tuwa nila nang malaman nila ang dami ng tuna na kanilang nahuli.
"Yung mga nagha-harvest, nagugulat malalaki ang nahuhuli namin gaya ng tuna, blue marlin," ayon sa mangingisdang si Benedicto Castillo.
Naibenta nila ang mga tuna sa halagang P250 ang bawat kilo.
Karaniwan umano silang nakakahuli ng maraming isda kapag buwan ng Abril, o panahon ng tag-init.
Ayon naman sa municipal fishery coordinator, fishing season ngayon kaya dapat paghandaan ang mga mangingisda ang paghuli.--FRJ, GMA Integrated News