Napuno ng tao ang simbahan ng Parokya ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Tagkawayan, Quezon sa ginanap na Easter Vigil Mass at tradisyunal na salubong.
Bago ang banal na misa ay nagsagawa muna ng pagbabasbas sa apoy sa labas ng simbahan.
Matapos ang pagbabasbas ay pumasok na ang mga tao sa simbahan kung saan ay kandila lamang ang tanging ginamit na pinagmulan ng liwanag. Patay lahat ng ilaw sa simbahan.
Ilang minuto bago mag 12:00 ng hating gabi ay binuksan na ang mga ilaw sa simbahan kasabay ang awitin sa muling pagkabuhay ni Kristo.
Sa kalagitnaan ng misa ay nagsagawa rin ang pagpapanibago o renewal ng pangako ng binyag. Lahat ng tao sa simbahan ay binasbasan ng holy water.
Matapos ang misa ay isinagawa ang tradisyunal na salubong. Ang mga kalalakihan ay kasama ng imahe ni Hesus habang ang mga babae naman ay kasama ng imahe ng nagluluksang si Maria.
Sa pagsasalubong o Encuentro ay umaawit ang mga batang anghel. Unti unti ring inalis ang itim na belo ni Maria tanda ng pagkabuhay na muli ni Kristo. Masayang umaawit ang mga anghel habang nagsasaboy ng bulaklak.
Nagtapos ang salubong sa isang huling panalangin ng pasasalamat.
Sa Del Gallego, Camarines Sur, isinagawa ngayong Linggo ng Pagkabuhay ang tradisyunal na ‘Pagtunton’ o ‘Salubong’ sa Parokya ng Sta. Rita de Cascia. Ginanap ang Salubong sabay sa pagbubukang liwayway.
Napuno ang loob at labas ng simbahan sa dami ng dumalo sa pagdiriwang.
Tampok sa pagdiriwang ang mga batang anghel na ibinababa mula sa itaas ng arko ng simbahan. Lahat sila ay may binigkas na tula para sa Birheng Maria.
Kasabay ng awiting Aleluya ay marahan na inalis ng isang anghel ang itim na belo ni Maria. Hudyat ito na nalaman na ni Maria na buhay si Kristo ang kanyang anak.
Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang nasaksihan. Malakas na palakpakan ang ibinigay ng mga tao para sa husay ng mga batang anghel.
Nagtapos ang Salubong o Pagtunton sa pamamagitan ng isang Banal na Misa.—RF, GMA Integrated News