Laging “blockbuster” tuwing Semana Santa ang kakaibang pinindot o ginataang bilo-bilo na ginagawa at ibinibenta ng isang nanay sa Batangas. Dahil sa kaniyang negosyo, napagtapos na niya sa kolehiyo ang apat niyang anak.

Sa nakaraang episode ng Biyahe ni Drew, ipinakilala si Nanay Myrna Zafra na 10 taon nang nagbebenta ng pinindot.

Nagsisimula nang magtinda si Nanay Myrna alas-sais y media pa lang ng umaga.

Hindi basta-basta ang ginataan ni Nanay Myrna dahil sa sopresang sahog nito na special homemade macapuno.

“Dahil nagustuhan po nila ang aking pinindot. Nito pong marami na akong suki, ay nilagyan ko na po siya ng macapuno,” sabi ni Nanay Myrna.

“Ngayon po, nawala po ‘yung mga langka. Nag-try po akong magluto ng may makapuno. Nagustuhan po naman ng mga customer. Kaya po, kumbaga ay sumikat po ‘yung aking pinindot,” pagpapatuloy niya.

Kada araw, kumikita si Nanay Myrna ng mahigit P2,000. At kapag nakapagbenta pa siya ng tatlong kaserola, umaabot pa ito ng hanggang P2,800.

Dahil sa pagbebenta niya ng pinindot, napagtapos ni Nanay Myrna ang kaniyang apat na anak sa kolehiyo.

“Sa panahon na ang pinindot ginagamit pagka-Holy Week lagi ‘yung mga nag-uuwian sa probinsya. So, nagiging craving for something traditional. Pero sa mga nagbabasa, kasama ang pinindot sa mga ihinahain,” ayon sa food historian na si Dindo Montenegro. — VBL, GMA Integrated News