Agaw-pansin ang 80 talampakang imahe ng Sacred Heart of Jesus na makikita sa bundok sa San Luis, Batangas, na maikukumpara rin sa 98 feet na imahe ni Hesus sa Rio de Janeiro sa Brazil. Ano nga ba ang kuwento sa likod nito?
Sa nakaraang episode ng Biyahe ni Drew, sinabing makikita ang pook dasalan ng Kabanal Banalang Puso ni Hesus sa 700 talampakang taas ng bundok.
Ipinagawa ito ni Victor Corales, isang kapitan ng barko, bilang pasasalamat sa kaniyang ligtas na paglalayag sa loob ng 25 taon.
“Ang pera pong ginamit sa Puso ni Hesus, noong kami po ay nadestino sa high-risk area sa Nigeria, may 50% po kaming additional salary. So ‘yung 50% additional salary, inipon ko po nang inipon ‘yun, ‘yun po ang pinag-umpisahan ng Puso ni Hesus,” kuwento ni Corales.
“Sobrang saya ko dahil parang ako'y nagiging daan para ma-connect ang mga tao sa pananalig sa Panginoong Diyos,” pagpapatuloy niya.
May mas malalim na pinanghuhugutan ang kapitan kung bakit nagdesisyon siyang ipinatayo ang higanteng imahe ni Kristo.
Ayon kay Corales, nagpakita umano sa kaniya si Hesus nang minsan siyang malagay sa peligro.
“February 6, 0121 hours ng madaling araw, nag-channeling kami sa Lagos River, binangga kami ng malaking barko. Ngayon, noong kitang-kita namin na babanggain kami, nagpapanic na ang mga tao, nagsisigawan, halos nag-iiyakan. Ako'y taimtim na nagdasal sa Panginoong Diyos na iligtas kami,” kuwento niya.
“Approximately, two seconds before impact, muli na naman nagpakita sa akin si Jesus na nakabuka ang kamay, nakatawa sa akin, na puting-puti. So, nu’ng binangga kami, hindi kami sumabog,” pagpapatuloy niya.
Kinabukasan, nagsagawa ng inspeksiyon ang may-ari ng barko sa pinsalang tinamo nito.
“Sinabi sa akin ng may-ari ng barko na, ‘Victor, you are really a son of God. Kasi ang barko mo, butas. 98% na-eject sa loob. Bakit hindi pati sa labas?”
Kung kaya naman ang estatuwa ng Kabanal Banalang Puso ni Hesus o Sacred Heart ay isa niyang maliit na paraan ng pasasalamat sa mga biyayang kaniyang tinanggap.
“Kung saan, kahit wala na ako sa mundong ito, generation by generation by generation, may babalik-balikan sila na pook dasalan,” sabi ni Corales. — VBL, GMA Integrated News