Naospital ang isang 17-anyos na babaeng yellow belter sa taekwondo dahil sa tinamong bugbog matapos umano siyang ipa-sparring ng kaniyang coach sa isang lalaking black belt habang nasa pagsasanay.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing maga ang mukha, may benda sa ilong at may pasa sa mata ng biktimang itinago sa pangalang "Cindy."
Nangyari ang insidente noong Pebrero na kinailangan siyang dalhin sa ospital bunga ng tinamong pinsala sa mukha at katawan.
“Gustung-gusto ko po magsalita kasi sobrang drain na drain na po ako di ko na po kaya,” umiiyak na pahayag ng biktima.
Bukod sa lalaki ang itinapat sa kaniya ng coach, mas mabigat din ang timbang nito at mas mataas ang karanasan sa taekwondo.
Varsity player sa Jesus Is Lord Colleges Foundation, Inc. sa Bocaue, Bulacan ang biktima, na yellow belt pa lang.
"Muntikan na po ako mamatay dahil sa bugbog. Binugbog ako na wala akong laban," hinanakit niya.
Ang ina ng biktima, naniniwala na sadyang ipinabugbog ng coach ang kaniyang anak.
“Sinadya po dahil may gusto siya sa anak ko. Meron daw pong biglang inaakap siya, inaakbayan. Tapos inaaya siyang kumain sa labas, magkape nang silang dalawa lang. Sabi ko 'di na normal 'yon,” saad ng ginang.
Dagdag pa niya: “Mentally, physically damaged. Lahat ng damaged. May gising pa po na minsan bumabagsak siya. Pinapa-MRI siya”.
Sinampahan na ng pulisya ng reklamo ang coach ng paglabag sa Republic Act No. 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Sinabi naman sa pahayag ng JILCF management, na pinaiimbestigahan na nila ang insidente at pananagutin ang nagkasala.
Sinuspindi na rin ang training at maging ang mga coach habang isinasagawa ang imbestigasyon.—FRJ, GMA Integrated News