Patay na nang matagpuan ang dalawang bata na edad dalawa at tatlo sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Angeles City, Pampanga.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng City Disaster Risk Reduction Management Office, na dakong 2:00 pm nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa sinapit ng mga biktima.

Ngunit patay na umano ang dalawang bata na nasa loob ng nakaradang kotse nang rumesponde sila.

BASAHIN: 3 batang magpipinsan, patay nang makulong sa loob ng sasakyan

Nang sandaling iyon, hinahanap umano ng mga magulang ang dalawang bata.

Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng bata para alamin ang kanilang ikinamatay.

Inaalam din kung sino ang may-ari ng sasakyan na hindi raw pag-aari ng kaanak ng mga bata.

Patuloy pa ang imbestigasyon kung papaano nakapasok sa sasakyan ang mga biktima.--FRJ, GMA Integrated News