Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na nakitang kumarga sa limang-taong-gulang na babae na ilang araw nang nawawala sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nitong Linggo nang mawala ang batang si Margaux Alliyah Dela Cruz, o Ally.
Inaalagaan noon ng kaniyang lola si Ally, nang makalabas ito ng kanilang bakuran at nakarating sa paglalaro sa footbridge sa Barangay Balibago.
“Humihingi po siya ng pagkain, ngayon sabi ko sandali magsasangag ako. Nakita ko pa siya naglalaro pa diyan. Nung may itinapon akong kapirasong plastic sa basurahan napansin ko bukas yung gate. Tinawag ko walang sumasagot sa akin. Pagsilip ko wala, tiningnan ko lahat ng kuwarto hanggang sa ilalim ng lamesa, sa banyo,” kuwento ni Teresita dela Cruz, lola ni Ally.
Sa CCTV footage, nakita na isang lalaki na mula sa footbridge ang may karga kay Ally, na nilagyan ng sumbrero at facemask.
“Based on the footages ng CCTV, isinakay yung bata ng isang lalaki na kumuha sa bata, naisakay sa jeep papunta doon sa Station 1. From there, may binabaan na isang place ulit sumakay ulit doon. Nagba-back ulit kami ng CCTV kung saan niya dinala yung bata,” ayon kay Police Major Vicky Tamayo, Station Commander, Angeles City Police Station 4.
Nangako si Tamayo na hindi sila titigil sa paghahanap sa bata. Hinikayat din niya ang lalaki na dalhin ang bata sa pinakamalapit na police station.
“Kung maganda intensyon niya baka yung bata nakita niya naglalakad walang kasama, puwede pong pakisauli po sa malapit na police station o barangay,” sabi ni Tamayo.
Labis naman ang pag-aalala ni Helen, sa kalagayan ng kaniyang anak na si Ally.
“Malungkot sobra po. Ang sakit po kasi maliit pa po yung anak ko di pa po niya kayang anuhin yung sarili. Kaya po nagmamakaawa po ako kung sino makakita sa anak ko sana ibalik po. Masakit po mawala anak ko,” pakiusap niya.
“’Yung bata po di siya katulad ng normal na bata medyo delayed siya sa personality niya tsaka may bali siya sa binti kaya nag-aalala po kami sa kanya,” dagdag ni Herminia, tiyahin ni Ally. —FRJ, GMA Integrated News