Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin sa ulo habang kumukuha ng ayuda sa Mati City, Davao Oriental.
Sa ulat ni Jaycel Villcorte ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa isang covered court sa Barangay Sainz kaninang 11:00 am.
Nang sandaling iyon, namamahagi ng emergency cash transfer payout ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Police Major Anthony Gumbal, hepe ng Mati City Police Station, lumilitaw sa imbestigasyon na habang naghihintay ang biktima, lumapit sa kaniya ang salarin at binaril siya sa ulo na kaagad niyang ikinamatay.
FLASH REPORT: Lalaking kumukuha lamang ng ayuda mula sa DSWD Region 11, patay matapos barilin sa Brgy. Sainz, Mati City, Davao Oriental; suspek, patuloy na tinutugis ng pulisya. | via Jaycel Villcorte, Super Radyo Davao pic.twitter.com/ScAyhTxQFf
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 19, 2024
Tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na salarin.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News