Isang binatilyo ang sinugod sa ospital sa Cagayan de Oro matapos mabangga ng pick-up truck at matusok ng bakal mula sa kalapit na construction site.
Base sa ulat ni Cyril Chaves sa 24 Oras Weekend noong Linggo, bigla na lamang nakarinig ng kalabog ang mga tao sa lugar noong nabangga ang binatilyo sa may Zone 1, Upper Bantiles, Barangay Budo, Cagayan de Oro pasado 2 p.m. ng Sabado.
“So, nag-panic yung mga tauhan ko. Tinakbo nila yung pinangyarihan at nakita nila yung natusok sa mga bakal. Kaya agad nilang tinulak yung pickup truck,” ani ng saksi na si Sherlie Paca.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakaidlip daw ang drayber ng pickup truck.
Matapos mabangga, nahulog daw ang binatilyo sa gilid ng daan kung saan nakatambak ang mga bakal na gamit ng kalapit na construction site.
Agad naman rumesponde ang mga barangay rescuers, BFP Rescue Team, at Oro Rescue 911 sa biktima, at dinala ang biktima sa Northern Mindanao Medical Center para maoperahan.
Dinakip din ng mga awtoridad ang drayber, ngunit nakalaya din ito kalaunan matapos makipagusap sa pamilya ng biktima.
Samantala, maaari pa rin daw makasuhan ang drayber ng Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries kung sakaling magbago ang desisyon ng pamilya.
“Ie-endorse ng Cagayan de Oro City Police Office ang appropriate case against the driver. So, kung meron man silang agreement pumunta lang sila sa office ng prosecutors,” sabi ng tagapagsalita ng Cagayan de Oro Police na si Police Lieutenant Evan Vinas. — Jiselle Anne Casucian/DVM, GMA Integrated News