Patay na at may sugat sa leeg nang matagpuang lumulutang sa ilog ang isang 15-anyos na lalaki sa Batangas City.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing iniulat na nawawala ang biktima noong Marso 10.
Kinabukasan, nakita ang kaniyang katawan na lumulutang sa Calumpang River sa bahagi ng Barangay Malitam.
Inaresto kaugnay sa pagkamatay ng biktima ang isang 18-anyos na lalaki. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sangkot ang dalawa sa nangyaring riot sa Barangay Uno.
"Halos lahat po ng pumupunta doon [sa dike] mga kabataan na may mga grupo-grupo. Alam naman po natin ang kabataan sa Batangas City may kanya-kanyang fraternity, organization," ayon kay Police Leiutenant Ragemer Hermidilla, Chief Investigator, Batangas City Police Station.
Paliwanag umano ng suspek, nagkasagupa sila ng biktima at idinepensa lang niya ang sarili kaya nasaksak sa tagiliran ang binatilyo.
"Eh sinalubungan [niya] po ako [ng] suntok po, eh may dala rin po yata 'yun [na patalim] kaya lumaban din po ako," paliwanag ng suspek.
Tumalon umano ang biktima sa ilog.
Pero hindi naniniwala sa bersiyon ng suspek ang ama-amahan ng biktima. Sa leeg umano ang nakitang sugat sa kaniyang anak at wala sa tagiliran.
"Hindi sa lunod namatay, 'yun pong tama dine [sa leeg]. Eh 'di gilit po, opo ginilitan po. Pero wala pong tama sa tagiliran. Mismo sinabi po, mismong kinuwan po dahil in-autopsy namin po eh," sabi ng ama-amahan ng biktima.
Malungkot man sa sinapit ng mahal sa buhay, natutuwa na rin ang pamilya ng biktima na nadakip ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News