Inireklamo ng isang miyembro ng LGBTQ community ang driver ng nasakyan niyang taxi dahil sa ginawa umanong pambabastos sa kaniya habang nasa biyahe sa Cebu City.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabi ng biktimang transgender na itinago sa pangalang “Crista,” isang estudyante, nagsimula siyang mag-video nang hawakan ng driver ang kaniyang hita.
Aminado ang biktima na wala siyang nagawa habang nasa taxi dahil sa takot. Pero nang malapit na siya sa kaniyang destinasyon, itinigil ng driver ang taxi sa madilim na lugar at ipinakita ang maselang bahagi ng kaniyang katawan at pilit na pinapahawakan sa kaniya.
Agad na umalis umano si Crista nang makuha na niya ang kaniyang sukli na hindi raw kaagad ibinigay ng driver.
Ipinost ni Crista ang karanasan para mabigyan ng babala ang iba. Pero umani ito ng magkakaibang reaksyon at may ibang pumuna pa sa biktima na baka hindi siya nagreklamo kung mas bata ang driver.
Pero iginiit ni Crista na dapat respetuhin ang lahat ng uri ng pasahero, kabilang na ang katulad niyang miyembro ng LGBTQ community.
Nakipag-ugnayan na umano sa kaniyang ang pamilya ng driver at humingi ng paumanhin. Pero desidido siyang sampahan ng reklamo ang driver sa Land Transportation Office 7 at Land Transportation Franchising and Regulatory Board 7.
Sinabi naman ng LTO 7 na hihintayin nila ang pagsasampa ng reklamo ng biktima para masimulan nila ang imbestigasyon.
Ipatatawag naman ng LTFRB-7 ang driver, maging ang operator ng taxi.-- FRJ, GMA Integrated News