Dalawang motorsiklo ang nagsalpukan sa Isabela City, Basilan na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong menor de edad, at malubhang ikinasugat ng isa pa.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing edad 14 hanggang 16 ang mga sangkot sa insidente na pawang walang suot na helmet.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na parehong mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo nang magkasalpukan sa national road sa Barangay Sumagdang nitong Miyerkules ng hapon.
Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang mga sakay na motorsiklo na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo, kabilang ang mga rider ng dalawang motorsiklo.
Malubha naman nasugatan ang isang angkas na babae na 14-anyos, na dinala sa ospital.-- FRJ, GMA Integrated News