Kinabibiliban ang isang 21-anyos na babaeng estudyante dahil sa kaniyang pag-sideline bilang “tsuper woman” o tsuper ng jeep upang matustusan ang kaniyang pag-aaral sa Batangas City.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, ipinakilala si Hanna Magadia, na isang taon nang namamasada ng sarili nilang jeep.

Nagsimula ito sa simpleng katuwaan lamang.

“Paba-boundary-han niya na sa ibang driver, until naisipan kong bumiyahe. Tinesting ko lang po, bibiyahe ako, sabi ko, makaikot ng isa,” kuwento ni Magadia.

“Umikot ako ng isa, hindi ko akalain na sa dalawa kong ikot, kikita ako ng gano’n. P800 dalawang ikot,” dagdag niya.

Dahil sa kita sa biyahe, natutugunan na rin ni Magadia ang mga pangangailangan niya sa pag-aaral.

Kasalukuyan na siyang second year sa kursong BS Customs sa isang unibersidad sa lungsod.

“Ang estimated time ko po na lalabas ako, 4:30 p.m. to 5 p.m. Lalabas po ako ng gano’ng oras, then ikot po ako ng mga dalawa, mga 7 or before 8 p.m. nakauwi na po ako. Tapos ‘yun, may gastusin na po ako sa tinutuluyan kong bahay. May baon na po, kinabukasan,” sabi ni Magadia.

Bukod sa pamamasada, kaya rin ni Magadia na magmekaniko at nag-welding, nang dahil sa hilig niya sa pagbubutingting.

“Napakalaki pong tulong niya sa amin. Marami po akong pinagagawa. Siya na po ang nagawa, hindi ko na po ibinabayad sa iba,” sabi ni Ailene Magadia, ina ni Magadia.

Sisiw lang kay Magadia ang pagkambyo at pagpihit ng manibela, kaya naman bibilib ang ilang pasahero sa kaniyang driving skills.

Sinisiguro naman ni Magadia na ligtas niyang naihahatid sa destinasyon ang kaniyang mga pasahero. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News