Itinigil na muna ang paghahanap sa dambuhalang sawa sa Barangay Bued sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, tiniyak pa rin naman ng punong barangay ang kaligtasan ng mga residente sa kanilang lugar kahit hindi pa nahahanap ang pinaniniwalaang Burmese python na tinatayang aabot sa 25 talampakan ang haba.
"Sabi naman din ng mg eksperto na baka lumayo o nakakain na ang sawa so matagal pa bago lumabas," ayon kay chairman Allan Roy Macanlalay.
Pero kung ang mga residente sa lugar ang tatanungin, mas nais nilang ipagpatuloy ang paghahanap sa sawa.
Sinabi naman ni Macanlalay na patuloy ang pagmonitor nila at ng pulisya sa barangay.
Samantala, pinakiusapan ni Macanlalay ang mga content creator at vlogger na may planong magpunta sa kanilang barangay na magpaalam muna sa kanilang tanggapan. -- FRJ, GMA Integrated News