Lumitaw na suspek sa krimen ang isang lalaki na naunang nag-report sa mga awtoridad tungkol sa bangkay ng batang babae na nakita umano niyang nakasako sa Atimonan, Quezon.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Peter Aureada, 20-anyos.
Ayon sa pulisya, nagpanggap na concern citizen ang suspek at ini-report ang nakita umano niyang bangkay na nasa sako malapit sa tower ng isang cell site.
Pero nagduda ang mga awtoridad sa mga kilos ni Aureada, at nang suriin ang CCTV camera na malapit sa lugar, nakumpirma na kasama siya ng biktima, na pitong-taong-gulang.
Nakita rin sa CCTV footage na may hawak na sako ang suspek na siyang pinaglagyan sa bangkay ng bata.
Nitong Linggo, iniulat na nakita ang bangkay ng biktima noong Sabado na walang saplot na pang-ibaba.
Hindi umano nagbigay ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News