Patay sa pamamaril sa labas ng isang hotel sa Zamboanga City ang isang kapitan ng barangay na tumatayong presidente ng Association of Barangay Councils (ABC) ng Isabela City, Basilan. Isa pang punong barangay ang sugatan sa naturang insidente.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Franklyn Tan, chairman ng Barangay Seaside sa Isabela. Sugatan naman si Jaider Abdulhamid Jundam, punong barangay ng Zone I.
Nakaligtas naman ang isa pa nilang kasama na si Barangay Zone III Chairman Daryl Jalani.
Sa imbestigasyon, kukunin ng mga biktima ang kanilang gamit sa sasakyan sa labas ng hotel nitong Linggo ng gabi nang pagbabarilin sila ng mga salarin na tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nagtungo sa Zamboanga City ang mga biktima para dumalo sa isang pagpupulong.
“Inaalam na rin natin kung ano ang motibo sa pangyayari. Lahat ng mga anggulo tinitingnan natin in relation to this, agravio personal isa yun,” sabi ni Zamboanga City Police Office Spokesperson, Major Albert Alfaro.
Ayon sa ama ni Tan, nabanggit sa kaniya ng anak na may banta sa kaniyang buhay. Umaasa siyang mabibigyan ng hustisya ang sinapit nito.
Sa isang pahayag, nanawagan din sa pulisya si Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman, na hanapin ang nasa likod ng pamamaril at maging ang mastermind sa nangyaring krimen laban sa kaniyang mga kalalawigan.
“Hustisya ang ating panawagan sa pagpatay kay Kapitan Franklyn Tan. Kapag pinalagpas natin ito, lalong lalakas ang loob ng mga nais maghasik ng kasamaan at karahasan sa lalawigan ng Basilan. Hindi takot at pangamba ang sagot natin dito, kundi pagtugis sa maysala at katarungan,” giit niya.
“Dapat managot ang mga responsable sa pagpatay na ito, kasama na ang mastermind. Justice must be served for the sake of his grieving family and for the preservation of peace in our communities,” dagdag pa ni Hataman.
Naka-half-staff ngayon ang watawat sa kapitolyo ng Isabela City bilang tanda ng kanilang pagluluksa sa pagpanaw ng isa nilang lokal na opisyal.
Sinabi ni Alfaro na susuriin nila ang mga kuha sa CCTV para alamin kung matutukoy ang mga salarin.
“On the process tayo, tinitingnan natin ngayon ang mga footages kung ilan talaga kasi kung sa ganitong klaseng execution, it is expected na meron talagang mga back up, mga look out at may mga kasama,” paliwanag ni Alfaro.-- FRJ, GMA Integrated News