Nagbunga ang magandang adhikain ng isang guro sa Iligan, Lanao del Norte na nangalap ng pondo noon para maipambili ng laptop ng kaniyang mga estudyante dahil makalipas ang ilang taon, nakapagtapos na ang ilan sa kanila.
Sa ulat ni Mark Salazar sa State of the Nation nitong Huwebes ng gabi, sinabing isa sa mga estudyanteng natulungan ni Teacher Melanie Reyes Figueroa noon na si Mark Maata ay graduating student na ngayon.
“Wala naman siyang pambili tapos may plano pa yata silang umutang ng pera para pambili,” sabi ni Maata.
Ang estudyante ring si Casandra Capampangan na natulungan ni Teacher Melanie, may degree na.
“Hirap na hirap po ako noon because ‘yung gamit ko lang po noon kasi is cellphone. Malaki pa rin ‘yung pasasalamat ko kay Mam Melanie dahil sa naibigay niyang tulong sa akin. Isa na po roon ‘yung laptop,” sabi ni Capampangan.
Matatandaang kasagsagan noon ng COVID-19 pandemic nang lumipat sa online ang mga klase.
Nakaisip si Teacher Melanie ng paraan para makasabay ang mga deserving na estudyante na walang laptop.
“Pinost ko po ‘yung story niya. Tapos mga ilang minuto lang po, nakakuha na po ako ng sponsors. After five days nakabili na po ng kauna-unahang laptop. Tinawag ko po itong ‘Laptop para sa Pangarap,’” ayon kay Teacher Melanie.
Sa loob ng dalawang taon, siyam na laptop ang naibigay ni Teacher Melanie sa tulong na rin ng ilang nagmagandang loob.
“Naniniwala po ako sa kakayahan nila. Kaya kailangang tulungan ‘yung mga kabataang may ganitong abilidad,” anang guro.
Gusto ni Teacher Melanie na ipagpatuloy ang kaniyang magandang nasimulan.
“Huwag nating putulin ‘yung cycle. Madalas kong sabihin sa kanila, kapag nasa sitwasyon ka na na puwede ka nang makatulong in any way, gawin nila para magpatuloy ‘yung giving and sharing,” sabi ni Teacher Melanie.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News