Tatlo ang patay matapos na magsalpikan ang dalawang motorsiklo sa bayan ng Janiuay sa Iloilo.

Sa ulat ni Sevein Hope Gegantoca ng Super Radio Iloilo nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa national road sa Barangay Jibolo nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joem Benedicto, 21-anyos, rider ng isang motorsiklo, at ang pinsan na angkas niya na si Marlon Gonzales, 22-anyos, na residente sa lugar.

Nasawi rin ang nakabanggaan nilang rider na si Norman Gajo, 41-anyos.

Ayon sa pulisya, nag-overtake ang motorsiklo na minamaneho ni Benedicto at paglipat nito ng linya ay nakasalubong at nakabanggan na ang motorsiklong minamaneho ni Gajo.

Sa hiwalay na ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabi ni Police Captain Alwyn Salmon, hepe ng Janiuay Police, mabilis ang tagpo ni Benedicto nang mag-overtake sa sinusundang tricycle.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang tatlo na dahilan ng kanilang pagkamatay.-- FRJ, GMA Integrated News