Patay ang isang 25-anyos na rider matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa nakasalubong na tricycle sa Sto. Tomas, Pangasinan. Ang biktima, nag-overtake umano, ayon sa pulisya.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay La Luna, na may tricycle na nasa unahan ng biktima.
Lumihis ng takbo ang motorsiklo ng biktima papunta sa kabilang bahagi ng kalsada at doon na niya nabangga ang paparating na tricycle.
"Ayon sa investigation namin, nag-overtake yung motor. Sakto namang may kasalubong siya. Malakas [yung banggaan] kasi yung damage ng tricycle talagang nayupi yung sidecar niya," sabi ni Police Lieutenant Teoderick Tagulao, Deputy Chief ng Sto Tomas Police station.
Idinagdag ng pulisya na pauwi na ang biktima na nanggaling sa inuman nang mangyari ang insidente.
Nagtamo rin ng sugat ang tricycle driver, at nakatakda umanong mag-usap ang magkabilang panig.
Samantala, nasugatan naman ang isang rider nang sumalpok siya sa isang kotse sa San Juan, Ilocos Sur.
Sa kuha ng CCTV camera sa National Highway sa Barangay Bannuar, makikita na paliko ang kalsada kung saan nabangga ng rider ng kotse.
Nasugatan pero ligtas ang rider na nakasuot ng protective gear. Mag-uusap ang magkabilang panig para sa gastusin sa pagpapagawa ng kanilang mga sasakyan.-- FRJ, GMA Integrated News