Nabulabog ang circumferential road sa Bacolod City nang magwala ang isang babae na armado ng kutsilyo. Matapos maaresto, nakumpirma na mayroon siyang kondisyon sa pag-iisip, maging ang iba pang miyembro ng kaniyang pamilya.
Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV One Western Visayas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita sa video na napapaligiran ng mga pulis, mga tauhan ng local public safety office, at mga concern citizen ang babae.
May mga pagkakataon na iwinawasiwas ng babae ang patalim at inaambaan niya ng saksak ang magtatangkang lumapit sa kaniya.
Hanggang sa makakuha ng tiyempo ang isang rider at sinunggaban ang babae mula sa likuran at tumulong na rin ang iba pa para agawin ang patalim.
Kanina, nagpunta sa himpilan ng pulis ang mga tauhan Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Murcia para iproseso ang pagkuha sa babae na mayroong kondisyon sa pag-iisip.
Tinawag nila ang babae sa pangalang alyas Sunshine, na nasa pangangalaga ng MSWDO.
Paglilinaw ni Elizabeth Agudo, tauhan ng Murcia MSWDO, hindi nila pinababayaan si Sunshine.
"Hindi naman siya pinapabayaan. Kung saan man siya pumupunta ay ipinapagbigay-alam sa amin, agad naman naming pinupuntahan," sabi ni Agudo.
Gayunman, hindi raw kaya ng kanilang tanggapan na ipagamot ang kondisyon ni Sunshine, na wala ring tumatayong guardian sa kaniya.
Ayon kay Maria Celia Mondejar, tauhan din ng Murcia MSWDO, may katulad na kondisyon din ang ina at mga kapatid ni Sunshine.
Kaya naman umaapela sila sa publiko na unawain ang kalagayan nina Sunshine.
"Mula sa kaniyang mother, sister, brother parang ganyan ang kondisyon nilang lahat. Just in case makita niyo sila, ipagbigay-alam lang sa amin," sabi ni Mondejar.
Ipinaliwanag naman ng pulisya na nagpatupad sila ng maximum tolerance sa sitwasyon ng babae at hinayaan nilang makausap muna ito. -- FRJ, GMA Integrated News