Umamin ang live-in partner ng babaeng nakitang patay sa gilid ng kanal sa Binangonan, Rizal na siya ang gumawa ng krimen. Una rito, nagsalita pa ang lalaki na hindi makakatakas ang salarin at magbabayad sa ginawang pagpatay sa kaniyang kinakasama.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng suspek na si Roceller Lanon, na selos ang dahilan kaya niya napatay ang biktimang si Janiclear Cahilig, 31-anyos.

Sa Antipolo Prosecutor’s Office kanina, inamin ni Lanon ang ginawang pagpatay sa biktima na nadiskubre ang katawan sa Quarry Road dakong 7:00 a.m. noong Martes..

Hinihinala ng mga awtoridad na gabi nitong Lunes nang iniwan ng salarin ang bangkay sa naturang lugar na may indikasyon na pinalo ng matigas na bagay sa ulo.

"Matinding selos po. Isa sa mga katrabaho niya po," ayon kay Lanon. "Hindi ko naman po gusto yung nangyari, nabigla lang po ako."

Sa imbestigasyon ng pulisya, sa kanilang bahay sa Antipono pinatay ni Lanon ang biktima.

"Nagkaroon sila ng altercation, verbal, nauwi sa physical, nahampas niya ng bote ang biktima. Nang bumagsak saka niya unti-unting sinakal. Pinasok sa kuwarto kaya di nakita yung body," ayon kay Provincial Director Police Colonel Felipe Maraggun, Rizal Police.

Inamin din niya na itinapon niya ang katawan ng biktima kung saan ito natagpuan.

Humingi si Lanon ng patawad sa pamilya ng biktima.

"Sa pamilya po ng asawa ko sana mapatawad ninyo ako. Pagsisihan ko po ang lahat," pakiusap niya.

Ayon sa kaanak ng biktima, naghinala na sila kay Lanon.

"Huli po naming nakita doon si ate—impossible umalis siya kasi nasa amin ang wallet niya at cellphone po. Makulong talaga siya at pagbayaran niya ang walang hiyang ginawa niya," sabi ng kaanak.

Kasong murder ang kinakaharap na kaso ni Lanon.-- FRJ, GMA Integrated News