Nangisay at bumula muna ang bibig ng pitong aso bago umano namatay sa Ronda, Cebu. Ang pulisya, hinikayat ang mga may-ari ng mga aso ang i-report sa kanila ang insidente.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo ng gabi sa Barangay Bebe.

Kuwento ng isa sa mga may-ari ng aso, bago namatay ang mga hayop, isang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang tumawag sa mga aso at pinakain niya ang mga ito.

Pagkaraan ng ilang minuto, nagsimula nang mangisay at bumula ang bibig ng mga aso hanggang sa tuluyang namatay.

Natukoy naman ang pagkakakilanlan ng naturang rider na lumitaw na residente rin sa lugar. Gayunman, nagpasya na umano ang mga magy-ari ng mga aso na huwag nang magsampa ng reklamo laban dito.

Pero nagpayo ang isa sa mga may-ari ng aso na huwag maging kampanya sa mga kapitbahay dahil baka may masama palang binabalak sa mga alagang hayop.

Ang pulisya naman ng Ronda, sinabing hindi pa nakararating sa kanila ang impormasyon tungkol sa nangyari sa mga aso.

Handa naman daw silang tulungan ang may-ari ng aso kung sakaling nais nilang magsasampa ng reklamo.

Hinikayat ni Police Sergent Jupiter Licanda Elarcosa, ang mga may-ari ng mga aso na  i-report sa kanila ang insidente.

"Para matuloy natin or either kung hindi man sila magrereklamo, mapapatawag natin [ang suspek] para hindi na maulit ang pangyayari," daan niya. -- FRJ, GMA Integrated News