Nagbuwis ng buhay ang isang 18-anyos na graduating student sa pagsagip sa kaniyang pinsan na nalulunod habang naliligo sa dagat sa Pasacao, Camarines Sur.
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, kinilala ang biktima na si Nico Paraan, na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ayon sa pulisya, patungo sana sa Naga City ang biktima at kaniyang pinsan nang magpasya silang maligo muna sa dagat.
Nang makitang nalulunod ang pinsan, sumaklolo ang biktima. Sa kasamaang-palad, ang biktima naman ang napunta sa malalim na parte ng dagat at tinangay ng alon.
Ayon sa Philippine Coast Guard, mapanganib nang sandaling iyon ang pagligo sa dagat dahil masama ang panahon at high tide.
"Delikado rin yun kasi kung malakas ang hangin at nandiyan ka lang sa dalampasigan, natatangay tayo sa malalim [ng] 'di natin namamalayan, so delikado din 'yon," pahayag ni Coast Guard CPO Emerson Libreja, Commander of CGSS Pasacao.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga beachgoers na laging unahin ang pag-iingat at magsuot ng life vests kung kailangan.-- FRJ, GMA Integrated News