Sugatan ang isang 78-anyos na babae sa Dingras, Ilocos Norte matapos siyang kagatan sa paa at mukha ng pagala-galang aso ng kaniyang kapitbahay. Ang aso, namatay kinalaunan.

Sa ulat ni Gab de Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabi ng biktimang si Estelita Agustin, residente ng Barangay Elizabeth na dati namang hindi mabagsik ang aso.

Hanggang sa isang araw, bigla na lang siyang kinagat sa paa habang dumadaan. Nang matumba ang biktima, kinagat pa siya ng aso sa mukha.

Mabuti na lang at may kapitbahay na tumulong sa kaniya at dinala siya sa ospital. Tumulong naman ang kaniyang kapitbahay sa pagpapagamot.

Isang araw matapos ang insidente, namatay ang naturang aso. Hindi pa ito inililibing ng may-ari para maipasuri kung positibo sa rabies.

Nagpaalala naman ang punong barangay na si Dominador Sacramento, sa mga kalugar niya na itali ang mga alagang aso para maiwasan ang katulad na insidente.-- FRJ, GMA Integrated News