Nasawi ang isang mag-asawa sa Cebu City matapos silang mabangga ng isang SUV na mabilis umano ang takbo. Tatlong iba pang sasakyan ang nasangkot sa aksidente.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, kinilala ang mga nasawi na sina Marcelino at Analyn Pepito.

Nangyari ang trahediya sa Osmeña Boulevard sa Barangay Sta. Cruz nitong Huwebes ng tanghali.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na mabilis ang takbo ng SUV na minamaneho ni Marcelino Denila, 62-anyos, at unang nabangga ang isang pampasaherong jeepney.

Sunod na tinamaan ang motorsiklo ng mag-asawa na pumailalim pa sa sasakyan. Isinugod sila sa ospital pero binawian din ng buhay.

Isang jeepney pa at isang kotse ang tinamaan ng SUV.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad si Denila na posibleng maharap sa kaukulang mga kaso.-- FRJ, GMA Integrated News