Patay sa pamamaril ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang isang konsehal ng Antonio, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Jeric Pasilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Roberto Carpio, 62-anyos, na pinagbabaril sa Barangay Sto. Cristo nitong Huwebes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay ng motorsiklo ang biktima at katatapos lang na maghatid ng apo sa eskuwelahan nang mangyari ang pananambang.

Nakatakas ang mga salarin na sakay din ng motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Tumanggi naman ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News