Nasawi ang mag-asawa at sugatan ang kanilang anak na buntis na kinalaunan ay nakunan, matapos silang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay na magtiyuhin sa Cebu. Ang ugat ng krimen, ang pagbi-videoke ng mga suspek kahit gabi na.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing sumuko sa pulisya ang mga suspek na sina Arnold Villamor Ignario, 43-anyos, at Arjay Ignario Baron, 33-anyos, residente ng Barangay Sacsac sa Pinamungajan, Cebu.

Suspek ang dalawa sa pagbaril at pagpatay sa kanilang kapitbahay na mag-asawang Artemio Hernani Traya, 48, at Cerlina, 47.

Nagtamo rin ng tama ng bala sa sikmura at nasugatan ang anak ng mag-asawa na si Chaira, 22-anyos.

Dalawang buwan na buntis si Chaira pero nakunan habang ginagamot sa ospital.

Nagalit umano ang mga suspek nang pakiusapan sila ng mga biktima na bawasan ang ingay sa pagbi-videoke dahil maghahating-gabi na.

Nag-iinuman umano ang mga suspek nang mangyari ang krimen.

Sinampahan sila ng mga reklamong double murder, frustrated murder, at attempted murder.-- FRJ, GMA Integrated News