Higit 60 katao na mga bata at matanda ang naospital dahil sa pagsusuka at pananakit ng tiyan dulot umano ng gastroenteritis o stomach flu sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nagkaroon ng biglaang pagtaas ng kaso ng gastroenteritis o stomach flu nitong nakaraang pitong araw sa lungsod.
Iniulat ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. na nakaranas din ang mga pasyente ng pagtatae at panghihina.
Marami ring sumasakit umano ang tiyan ngunit hindi nagpapa-admit o pumupunta sa ospital.
Ilan sa mga pinakapangunahing sintomas ng gastroenteritis ay ang pagdurumi at pagsusuka na kapag hindi naagapan ay maaaring humantong sa pagkamatay.
“Dehydration po ang nakamamatay diyan so kung dehydrated po ang isang tao, may electrolytes na nawawala through pagsusuka at pagtatae,” sabi ni Angeles City Health Officer Dra. Verona Guevarra.
Ayon kay Guevarra, wala namang maituturing na nasa kritikal na kondisyon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News