Isang barangay health worker ang nasawi, habang sugatan ang isa pa matapos silang salpukin ng isang humaharurot na motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Bauan, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing dadalo sana sa luksang parangal ng barangay Balayong ang dalawang biktima nang mangyari ang insidente.
Sa CCTV footage, makikita ang dalawa na sadyang nagtungo sa pedestrian lane para doon tumawid.
Malapit na sila sa kabilang bahagi ng kalsada nang isang motorsiklo ang muntik na makahagip sa kanila pero kanilang naiwasan.
Ngunit sa ikalawang motorsiklo, direkta na itong tumama sa kanila na dahilan ng kanilang pagtilapon, pati na ang rider.
"Yung po kasing area ay highway at yun po ay medyo slant, palusong. Matulin po yung takbo ng motosiklo. Sa sobrang bilis po ng kaniyang takbo ay nabangga niya yung ating mga biktima," sabi ni Police Major Allan Nidua, Deputy Chief, Bauan police station.
Isinugod sa ospital ang dalawang biktima pero nasawi ang isa kanila.
Sugatan din ang rider na inaresto at mahaharap sa kaukulang kaso.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang nakaligtas na biktima at ang suspek. Habang tumanggi na ang pamilya ng nasawing biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News