Tuluyang inaresto ang isang babaeng nasangkot sa aksidente nang magmatigas siyang hindi sasama sa himpilan ng pulisya at nanampal ng pulis sa Imus, Cavite.
Sa ulat ni Marisol Abdurahmann sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang 29-anyos na suspek na nakikipagtalo sa pulis at ayaw sumama sa mga awtoridad.
Ayon kay Imus City police chief Police Lieutenant Colonel Jack Angog, humingi ng tulong sa kanila ang mga traffic enforcer dahil sa pagmamatigas ng babae makaraang masangkot sa aksidente.
Pero maging ang mga pulis, hindi sinanto ng babae na kaniyang pinagsasalitaan ng masama, hanggang sa sampalin niya.
Kaya naman pinosasan na ang babae at tuluyang inaresto dahil sa ginawang pag-atake sa pulis.
Pero kahit nakaposas na, sinisipa pa rin ng babae ang pulis.
“Nakainom nga ‘yung driver. Gusto man nila ng mahinahon na gawin ang kanilang tungkulin itong driver ay masyadong unruly na,” ayon kay Angog.
Napag-alaman na bukod sa nakainom habang nagmamaneho, walang driver's license ang babae.
Nagtamo ng mga kalmot sa braso ang umarestong pulis na si Police Staff Sergeant Andrew Garingo. Habang nagtamo ng sugat dulot ng tama ng susi ang ang kasama niyang pulis.
“Kinukuha ko po yung susi n’ya kasi ayaw ko pong pang drive-in kasi siya ay nakainom. Baka makadisgrasya pa po,” ani Garingo.
Paliwanag naman ng suspek, sasama naman daw siya sa mga pulis.
“Sabi ko sasama naman po ako, eh bigla po akong pinosasan. Nabuwisit na po kasi ako. Sabi ko ‘bitawan n’yo ako. Eh nasasaktan na ako eh’. Eh di sinaktan ko na lang din sila. Kinurot kurot ko sila dun,” saad niya.
Mahaharap sa patong-patong na asunto ang babae.--FRJ, GMA Integrated News