Arestado ang isang kapitan ng barangay matapos makipagtalo at murahin pa umano ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa isang videoke bar sa Paoay, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang opisyal na si Isagani Lutap, kapitan ng Barangay Cabagoan.

Isinalaysay ng manager ng videoke bar na kakapkapan at kukunan lang sana ng larawan ng pulis si Lutap bilang bahagi ng kanilang pagpapatrolya ngunit tumanggi ang kapitan.

Minura umano ng kapitan ang pulis at nakipag-away.

Nahaharap sa reklamong direct assault ang kapitan na tumangging magbigay ng pahayag.—AOL, GMA Integrated News